Magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman ni Rachelle Ann Go sa nalalapit na pagtatapos ng sikat na musical show na "Les Miserables" ngayong linggo sa Manila.
Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing huling linggo na ngayon ng "Les Miserables" sa Solaire Theater kung saan gumaganap si Rachelle Ann sa pangunahing role bilang si Fantine.
Kapag natapos na ang musical play sa Manila, muling aalis ng bansa ang Kapuso star para bumalik sa London para gumanap din bilang Fantine sa West End staging ng palabas.
"Halo po yung lungkot at yung saya. Kasi unang-una, matatapos, babalik po ulit ako sa London. Mami-miss ko ulit yung family ko. Tapos masaya dahil siyempre, na-share ko sa Pinoy yung ginagawa ko po sa London," ani Rachelle Ann.
Samantala, labis ang pasasalamat ni Rachelle na natupad na ang matagal na niyang ipinapanalangin na makabili ng bahay.
Nakalipat na raw siya kasama ang kanyang pamilya sa itinuturing niyang dream house.
"Simple lang naman po (ang bahay). Ang importante siyempre magkakasama kaming lahat," saad niya. "May music room din at saka medyo may touch ng London vibe para lang ma-feel ko na ito, galing ako sa London, nandito ko sa Pilipinas."
Nagpapasalamat din si Rachelle Ann na pinanood siya ng dalawa sa itinuturing niyang pinakamalalapit na kasama sa industriya na sina Regine Velasquez-Alcasid at Sarah Geronimo. -- FRJ, GMA News