LABIS ipinagpapasalamat ni Sylvia Sanchez ang mga papuring kanyang naririnig tungkol sa mga anak niyang sina Arjo Atayde na kai-exit bilang si Joaquin Tuazon sa FPJ’s Ang Probinsyano at Ria Atayde bilang si Dra. Guia sa My Dear Heart.
Nagmarka sa manonood si Arjo bilang si Joaquin na napakasamang anak nina Agot Isidro at Albert Martinez at apo naman ni Eddie Garcia.
Maganda ang sagot ni Ibyang nang tanungin kung ano ang gagawin kung sakaling Joaquin Tuazon sa totoong buhay si Arjo.
“Ako mismo magpapakulong sa anak ko, hindi ko kukunsintihin ang kalokohan ng anak ko kasi at the end of the day, ako rin ang mamumrublema at baka isang araw ay ako rin ang papatayin niya. So might as well, ako ang puputol ng kalokohan niya,” sagot ng aktres.
“Kaya kong tiisin ang anak ko kung iyon ang ikabubuti niya, why not. Kasi partly kasalanan ko ‘yun kung naging masama siya,” dagdag niya.
Totoo ang sinabi ni Sylvia at saksi kami kung paano niya disiplinahin ang mga anak at kung kinakailangan niyang pakitaan ng sinasabi niyang ‘tough love’ para tumino ay gagawin niya at nagawa na niya. (Reggee Bonoan)
Related
Source: Balita