Ni: Reggee Bonoan
INAMIN ng isa sa cast ng Bloody Crayons na si Diego Loyzaga sa kanilang presscon na may naramdaman siya habang sinu-shoot nila ang pelikula.
“I had a creepy experience doon sa bahay kung saan kami nag-shooting. Nu’ng minsang napagod ako, umupo ako sa isang rocking chair sa may sala at nakatulog ako. Pagkagising ko, mabigat na ‘yung pakiramdam ko. Parang nilalagnat ako at nangangalay ‘yung leeg ko. Eh, di ba, sabi nila ibig sabihin nu’n may nakasakay na multo sa batok mo?” kuwento ng aktor.
Pero hindi lang si Diego ang may naramdaman sa set, pati na ang ilang crew ng Bloody Crayons.
Kapag horror ang tema ng pelikula, laging may kakaibang nararamdaman sa shooting ang production lalo na kapag lumang bahay ang ginamit.
Anyway, ipinagmamayabang ni Diego na napakaganda ng Bloody Crayons.
“Hindi ko sinasabi ito dahil lang kasama ako sa cast, pero nu’ng nabasa ko ‘yung script, nagustuhan ko talaga siya, to the point na papanoorin ko siya kahit wala ako sa cast,” sabi ng aktor na kasama rin sa seryeng Pusong Ligaw bilang ka-love team ni Sofia Andres na nasa pelikula rin.
“Kakaiba siya (movie nila) kasi walang multo sa story. Wala ring sinasapian. Hindi nga ito horror, eh. Suspense thriller ito. Wala pa akong nakikita o napapanood na local movie na ganu’n kaya confident akong sabihin na kakaiba nga ang Bloody Crayons.”
Kuwento naman ni Sofia, “Naging fun ang shooting namin dahil kay Direk Topel Lee. Parang kaibigan lang namin siya sa set, eh. Once, nagalit siya sa amin pero hindi siya sumigaw. Hindi siya mahilig magtaas ng boses, eh. Actually, kung narinig mo siya nu’n, hindi mo aakalaing galit siya kasi chill lang siya. Pero he’s very good at what he does.”
Nagkakaisa ang buong cast sa impresyon nila kay Direk Topel, walang tensiyon sa set kaya masarap katrabaho.
Mapapanood na nationwide ang Bloody Crayons sa Hulyo 12 mula sa Star Cinema.
Related
Source: Balita