Ni ADOR SALUTA
BILANG producer, ipinagmamalaki ni Piolo Pascual ang pelikulang Kita Kita na pinagbibidahan ng kakaibang love team nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez under his Spring Films Production.
Gagampanan ng tinatawag ngayong AlEmpoy ang romantic millennial film about OFWs. Ang Kita Kita ay kinunan in full sa Hokkaido, Japan under the direction of Sigrid Andres Bernardo.
Bakit tumaya si Piolo sa tambalang AlEmpoy?
“Ako kasi risky akong tao, eh. Kapag naniwala ako sa isang proyekto, kasama pati batok,” aniya nang humarap sa press conference ng Kita Kita.
Hindi niya isinaalang-alang ang pagiging box office ng kanyang pelikula?
“So regardless of the outcome. Of course, you want it to succeed, basta naniwala ka sa isang konsepto paninindigan ko ‘yun to the end, especially with people working with you who believe in the project.”
Bilang artist, naniniwala si Papa P na dapat ay sumusugal siya sa proyekto paminsan-minsan. Kaya natural lang sa kanyang sumugal sa pelikulang tulad ng Kita Kita.
“‘Yun nga sa pelikulang ito, kasama na sa responsibilidad natin bilang miyembro ng entertainment industry na gumawa ng mga pelikula na p’wede nating ipagmalaki hindi lang dito kundi maging sa ibang bansa,” sey ni Piolo.
Diretsahan ding sinabi ng aktor na maaaring ito na ang pelikulang maaari niyang tawaging legacy sa industriya.
“And siguro, sabi nga ni Direk Joyce (Bernal), ito na ang p’wede naming contribution sa pelikulang Pilipino, na makagawa ng mga pelikula na hindi siya nakakahon o hindi siya limitado. So we’re just really happy that we’re able to come up with concepts like this na p’wede nating paglaruan.”
Ano ang lamang ng Kita Kita sa ibang romance films na pinagbibidahan ng mas popular na tandem tulad ng
KathNiel,LizQuen o JaDine?
“Bago ‘yung love team, bago ‘yung story. Ang sarap rin niyang panoorin. Wala siyang pretentions, wala siyang pinapatunayan,” sagot ni Piolo.
Anuman ang kahihinatnan ng pelikulang ito, paulit-ulit na sinabi ni Papa P na proud siyang bahagi siya ng proyekto.
“Happy ako na nakagawa ako ng isang pelikula na disente and p’wede nating ipagmalaki,” sey ng actor-producer..
Ang Kita Kita na sumali sa Grand Prix and Most Promising Talents category ng Osaka Asian Film Festival nitong nakaraang Marso ay ipapalabas na sa mga sinehan sa Hulyo 19.
Related
Source: Balita