Ni LITO MAÑAGO
WALA nang available na tickets sa box-office ng Cultural Center of the Philippines (CCP) para sa gaganaping gala night ng first indie film ni Sharon Cuneta na Ang Pamilyang Hindi Lumuluha na official entry ng Sampaybakod Productions para sa 13th Cinemalaya Independent Film Festival na magsisimula sa August 4.
Ang gala at grand premiere ng naturang movie ay magaganap sa Main Theater (Nicanor Abelardo Hall) ng CCP sa Tuesday, August 8, alas-6 ng gabi.
Inaasahan ang pagdalo ng megastar at iba pang mga artistang bahagi ng pelikula sa gala night kaya naman mabilis maubos ang tickets ng pelikulang idinirihe ni Mes de Guzman.
Nasa CCP box-office kami last Saturday para bumili ng FIC Pass para sa 13th edition ng pinakasikat na indie filmfest sa bansa at nang mag-inquire kami ng ticket sa gala ng Ang Pamilyang Hindi Lumuluha, sold out na ito.
Katunayan, isang psycho student ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PML) ang pumila para ibili ng ticket ang kanyang mommy dahil gusto raw nitong makita si Shawie in person sa mismong gala night, kaya lang ubos na nga ito.
Isang grupo rin kasi ng fans ni Ate Shawie ang namakyaw ng tickets para sa August 8 screening. Maging ang iba pang screening dates sa CCP, paubos na rin.
Sabik na sabik ang fans ng multi-awarded actress na muli siyang mapanood sa big screen.
Si Sharon ang biggest star sa Cinemalaya this year kaya ini-expect din ng karamihan na mangunguna sa box-office results ang pelikula niya.
Bukod dito, hinuhulaan din ng karamihan na masusungkit ng misis ni Sen. Kiko Pangilinan ang best actress trophy sa gabi ng parangal sa August 13.
Related
Source: Balita