BAGONG kuwelang segments at isang dance challenge na patok din sa online world ang dumadagdag ng aliw sa pananghalian ng madlang pipol at sa It’s Showtime.
Una sa pagpapasaya ang “Funny One” season two grand champion na si Donna Cariaga, na patuloy ang pakikipagsapalaran sa pag-ibig sa kanyang sariling stand-up segment na “Donna What to Do, Donna What to Say.” Lalo pang dumadami ang kumakapit sa kuwento at hugot jokes ni Donna dahil sa tiyak na pagkukrus nila ng landas ni Gemma, ang kasalukuyang girlfriend ng ex-boyfriend niyang si James.
Maaari namang ipakita ng madlang pipol ang kanilang ibubuga sa “W.E.R.P.A.H. (Woah! Extraordinary Real Pinoy Action Hero),” na magbibihis at mag-aastang superhero ang contestants upang ipamalas ang kanilang “power” o “werpah.”
Sa naturang segment, magagamit ng mga ordinaryong Pinoy ang kanilang imahinasyon sa pag-iimbento ng kanilang ‘superpower’ at pagpapamalas nito sa nakakaaliw na paraan.
Araw-araw ding nagpapasaya ang segment na “Copy-Cut,” na nagpapaligsahan ang dalawang grupo ng hosts sa pagkopya ng isang litrato o movie poster. Ang matatalo sa bawat challenge ang siyang bibigyan ng kakaibang parusa, gaya na lamang ng paglalagay ng yelo sa kilikili at pagpuno ng marshmallows sa bibig.
Dahil naman sa It’s Showtime, mas marami na ang nakikisabay at nakikihataw sa tinaguriang “budots” dance o ”tagasaan ka?” dance challenge. Nakakuha na rin ng libu-libong views online ang videos ng naturang challenge tampok ang iba’t ibang Kapamilya stars na lumabas sa programa at tumanggap sa hamon.
Bilang regalo naman sa madlang pipol, magkakaroon ng year-end special ang programa nitong Sabado upang balikan ang hindi malilimutang kaganapan nitong nakaraang taon. Ngayong Enero 2018 naman aarangkada ang Quarter 3 semifinals ng “Tawag ng Tanghalan” at malapit na ring mapanood ang pagsisimula ng pagbuo sa all-girl group na MNL48.
Tampok din sa It’s Showtime ang patalbugan ng ganda at talino sa “Miss Q and A” at mga nakakatuwang eksena sa “Cash-Ya.”
Panoorin ang buong It’s Showtime family tuwing tanghali sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167). Para sa past episodes ng programa, pumunta lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.
Related
Source: Balita