Ni REGGEE BONOAN
NAPAPABALITANG nag-ober da bakod na sa GMA-7 si John Estrada para pagbigyan ang offer na teleserye kasama si Alden Richards.
Marami ang nagtaka kung totoo ito dahil umeere pa ang The Good Son na importante ang karakter niya bilang si Atty. Anthony Buenavidez na prime suspect ngayon sa pagpatay sa kuyang si Victor Buenavidez (Albert Martinez) at tumangay sa malaking halaga ng kumpanya nila.
Last week kumalat ang isyu sa gulong nangyari raw kina John at Mylene Dizon na naging dahilan daw kaya nag-walk out siya sa taping ng TGS at hindi na bumalik.
Balitang ayaw nang mag-taping ni John kaya walang magawa ang writer ng The Good Son kundi patayin ang karakter niya na ipinalabas naman na nitong Biyernes.
Ang ipinagtataka ng karamihan kasama na kami ay bigla-biglang may gagawin na agad siyang project sa GMA? Hindi kaya dahilan lang ni John na kaya mainit ang ulo niya at nagkairingan sila ni Mylene ay dahil naiipit siya sa dalawang network?
Baka naman tinanggap na ng aktor ang offer ng kabilang TV station knowing na hanggang Marso lang o baka mas maaga siyang mawawala sa show. Eh, biglang na-extend hanggang Abril. Hindi nga kaya ganu’n ang senaryo, Bossing DMB?
Anyway, hindi naging maganda ang pag-exit ni John sa The Good Son, ang pangit ng pagkamatay niya na natagpuan na lang sa tabing-ilog o dagat na nakabaligtad at may mga tama ng bala sa ulo. Hindi rin ipinakita ang mukha niya kina Enzo (Jerome Ponce) at Joseph (Joshua Garcia) nang puntahan siya sa morgue.
At dahil namatay na ang karakter ni John ay may panibagong kaso na namang bubuksan kung sino ang pumatay sa kanya at bakit. Hmmm, hindi kaya abutin na ng Mayo ang The Good Son?
Ang nakakatawang resulta, baka si Obet (McCoy de Leon) na ang sunod na maging suspect sa pagkamatay ni Victor at ang tatay niyang si Arthur (Alex Medina) ang nagtumba kay Anthony (John).
Related
Source: Balita